7 barangay pinangangambahang ‘mabubura’ sa mapa sa proyektong NALEX

7 barangay pinangangambahang ‘mabubura’ sa mapa sa proyektong NALEX

February 28, 2023 @ 5:45 PM 1 month ago


Hagonoy, Bulacan – Nasa pitong barangay ang pinangangambahang mabura sa mapa dahil sa umano’y tatamaan ng isasagawang proyektong North Access Link Expressway (NALEX) na magpapatalsik sa libo-libong residente sa kanilang tinubuang lupa.

Ito ang napag-alaman ng Remate sa isang ginanap na pulong ng mga residente ng Brgy. San Juan kamakailan sa naturang bayan.

Ayon kay Leah Sinag, tubong-brgy. San Juan, wala umanong konsultasyon at walang tamang impormasyon ang proyektong NALEX ng San Miguel Aerocity Inc.

Aniya, tatamaan ng ura-uradang proyekto ang mga barangay gaya ng San Juan, San Miguel, Palapat, Carillo, Abulalas, Iba at San Isidro na may libo-libong residente.

Napag-alamang halos lahat ng residente ay tutol sa naturang proyektong expressway ng AEROCITY na magdudugtong ng kalsada mula New Manila International Airport-Bulakan patungong Norte.

Hinikayat nila ang mga apektadong residente na makipag-ugnayan sa kanila para labanan at tutulan ang proyekto na magpapatalsik sa kanila sa sarili nilang lupain.

Dahil dito, nagsagawa sila ng prayer vigil at candle lighting sa simbahan ng Brgy. San Juan nitong linggo ng hapon at patuloy ang kanilang isinasagawang signature campaign.

Sinasabing naalarma sila nang may dumating sa kanilang notice mula sa AEROCITY kung saan nakasaad ang tungkol sa RA 11506 na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan ng gobyerno na ipatupad ang proyekto.

Sa bawat pagpupulong, sama-sama nilang isinisigaw ang: NO TO NALEX. Dick Mirasol III