7 bayan sa Cagayan, nasa election hotspot

7 bayan sa Cagayan, nasa election hotspot

March 26, 2022 @ 12:45 PM 3 months ago


CAGAYAN- Nakaalerto ngayon ang kapulisan sa lalawigan ng Cagayan sa pagsisimula ng kampanya ng local positions matapos ilagay sa election hotspot ang pitong bayan sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, sa pinakahuling validation ng PNP, pasok sa red category ang bayan ng Baggao, Amulung, Tuao, Peñablanca, Enrile, Rizal at Buguey.

Ang naturang mga lugar ay nasa grave concern dahil sa mga parameter mula sa Comelec kabilang ang presensya ng intense political rivalry, banta ng NPA at iba pang threat groups at insidente ng election related violence.

Aniya, magkakaroon ng adjustment sa deployment ng PNP personnel partikular sa naturang mga lugar na posibleng ideklara ang COMELEC control.

Bibigyan din nila ng security detail ang mga incumbent na kandidato at yung may mga kumpirmadong banta sa kanilang buhay mula Governor hanggang Vice Mayor.

Limitado lang sa dalawang pulis ang kanilang ibibigay na escort sa mga kandidato at mananatili lang ang mga ito sa campaign activity pero kapag tapos na ang activity ay aalis na ang mga pulis.

Naging mapayapa naman sa kabuuan ang unang araw ng campaign period sa lalawigan para sa lahat ng kandidato na tatakbo sa local positions sa May 9 elections.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Gano na nakalatag na ang ipatutupad nilang seguridad para matiyak na magiging mapayapa ang panahon ng kampanya hanggang sa araw ng eleksyon. Mary Anne Sapico