7 e-sabong sites iligal na nag-operate kahit ipinagbawal ni PDu30

7 e-sabong sites iligal na nag-operate kahit ipinagbawal ni PDu30

May 19, 2022 @ 5:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pitong e-sabong sites na walang prangkisa mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nabistong nag-o-operate sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang operasyon nito.

“Ang nangyari noong ipinagbawal ng ating Pangulo ang e-sabong, nagsara naman yung mga PAGCOR-franchised e-sabong operators at pumasok itong mga illegal na e-sabong operations,” saad ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya.

“Na-identify na po namin itong pito, pitong websites na operating illegally,” dagdag niya.

Kaugnay nito, inatasa na aniya ni DILG Secretary Edurado Año ang Philippine National Police (PNP) Directorate for Operations at Anti-Cybercrime Group na magsagawa ng imbestigasyon hinggil dito.

Nakipag-ugnayan na rin ang kalihim sa National Bureau of Investigation ukol sa usapin.

Ayon naman kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nakatutok na ang kanilang cybercrime units sa case buildup laban sa natukoy na iligal na e-sabong sites.

Hiniling na rin ng PNP sa mga social media provider na burahin ang mga nasabing sites na maaaring magawa sa loob ng dalawang linggo.

Matatandaang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang operasyon ng mga online sabong sa bansa kasunod ng mga ulat na pagkawala ng 34 na sabungero.

Pinagbasehan din ng pangulo sa kanyang desisyon ang survey na inilunsad ng DILG kung saan isinisisi sa operasyon ng e-sabong ang pagkasira sa moral values ng maraming Pilipino. RNT/ JCM