7 kaso ng kolera, naitala sa Negros

7 kaso ng kolera, naitala sa Negros

October 1, 2022 @ 11:45 AM 2 months ago


BACOLOD CITY – Nadagdagan ng pitong kaso ng kolera ang naitala sa Negros Occidental nitong Miyerkules mula sa dalawa na ikinasawi ng isang 88-anyos na lola kamakailan.

Ayon kay Gobernador Eugenio Jose Lacson, unang nakapagtala sa Barangay E. Lopez at Guinhalaran sa Silay City ganun na rin sa Victorias City at E.B. bayan ng Magalona.

Matatandaan na idineklara ni mayor Joedith Gallego ang outbreak sa Barangay Guinhalaran sa rekomendasyon ng Provincial Health Office (PHO) chief Dr. Ernell Tumimbang.

Sa ngayon ay naka-monitor na rin ang mga lokal na pamahalaan sa probinsya para hindi na tuluyan pang tumaas ang bilang kaso ng kolera sa kanilang mga lugar.

Sinabi naman ni Victorias City Mayor Javier Miguel Benitez na mayroon silang pasyente sa Teresita L. Jalandoni Provincial Hospital (TLJPH) sa Silay City at nasa maayos na ang kalagayan pero patuloy pa rin itong binabantayan.

Sa bayan naman ng E.B Magalona, sinabi ni Mayor Marvin Malacon, mayroon silang pasyente na isang 30-anyos na babae at taga residente ng Sitio Tinapok, Barangay Batea.

Lumabas sa pagsusuri ng mga doktor sa TLJPH mayroon itong acute gastroenteritis na may malubhang dehydration-cholera at na-admit ito noong Setyembre 23 at nasa maayos na rin ang kalagayan.

Nagtungo na rin ang lokal na pamahalaan ng E.B. Magalona sa mga barangay na apektado ng kolera at pinag-iingat ang mga ito .

“We advised the residents to make sure their food and water are clean, and when in doubt, to boil their drinking water, or subject them to chlorination,” dagdag pa ni Malacon.

Kasunod nito, kumuha na rin sila ng mga sample ng tubig sa Sitio Tinapok at ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine para sa pagsusuri.

Magkakaroon na rin ng pagpupulong sa lahat ng Local Drinking Water Committee sa mga may-ari at operator ng water refilling stations sa bayan para pag-usapan paano maiwasan na maging marumi ang tubig at kailangan regular na isailalim sa bacteriological water testing ang kanilang tubig. Mary Anne Sapico