7 model nasagip sa human trafficker

7 model nasagip sa human trafficker

February 26, 2023 @ 2:31 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Immigration-National Capital Region (NBI-NCR) ang hinihinalang human trafficker at nasagip naman ang pitong freelance model na hawak nito.

Ayon sa NBI, kinilala ang suspek na si Diane Manarang, kung saan pinangakuan umano nito ang naturang mga freelance model, kabilang ang isang minor, na sisikat kung susundin lamang nila ang mga utos nito.

“Ang sinasabi niya na siya ay konektado sa mga film, magazines, na pwede niyang magamit itong mga models. Isang bonus niya ay yung pag-aalok niya ng sexual na serbisyo dito sa mga models after the event,” ani NBI Assistant Director for Regional Offices Atty. Lito Magno.

“Yung lalabas na bayad ay umaabot mula sa P20,000 hanggang P100,000, P200,000,” dagdag pa niya.

Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon laban sa kaniya.

“False accusations po lahat yun kasi event model po talaga kami lahat and lahat ng ito ay setup lang po kasi may mga taong inggit sa akin,” sagot naman ni Manarang.

Samantala, hawak na ng NBI ang cellphone ng suspek na magsisilbing ebidensya lalo na’t nagtataglay umano ito ng listahan ng kanyang mga customer.

“Dahil sa batas natin pagmay menor na involved at nata-trafficking that is already qualified as human trafficking activity. Pangalawa rin naman dahil sa dami ng kanyang dinala at narescue natin again qualified pa rin ito. Two different sections, papasok siya sa qualified human trafficking,” pahayag ni Magno. RNT/JGC