7 NCR pharmacy magtuturok na ng COVID jabs — Dizon

7 NCR pharmacy magtuturok na ng COVID jabs — Dizon

January 18, 2022 @ 12:04 PM 7 months ago


SISIMULAN na ng pamahalaan ang pag-roll out sa COVID-19 vaccines sa pitong pharmacies sa National Capital Region (NCR) sa darating na Enero 20 hanggang 21 para payagan ang mga ito na mangasiwa ng pagbabakuna sa gitna ng COVID-19 surge sa bansa.

Sa pangalawang bahagi ng Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Martes ng umaga, sinabi ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon of the National Task Force Against (NTF) COVID-19 na ang programang ito na tinawag na “Resbakuna sa mga Botika” ay magbibigay daan sa maliliit subalit “widely spread vaccination sites” sa katauhan ng pharmacies.

“Mabilis po ito, Mr. President. Pagka-launch natin at magpi-pilot sila ng mga isang linggo, mage-expand na tayo nang mabilis sa iba’t iba pang cities all over the country—Luzon, Visayas, at Mindanao—at sa iba’t ibang botika,” ayon kay Dizon.

Sinabi ni Dizon na nakipag-ugnayan na ang NTF sa mga pharmacies gaya ng Mercury Drug, Watsons, Rose Pharmacy, Southstar Drug, and The Generics Pharmacy, at iba pang klinika gaya ng Healthway at QualiMed.

Sinabi naman ni NTF medical adviser Dr. Ted Herbosa, araw ng Linggo na nakipag-usap na siya sa mga private pharmacies at drugstores para payagan silang mangasiwa ng pagbabakuna sa gitna ng COVID-19 infections na pinaniniwalaang dala ng Omicron variant.

Sinabi ni Herbosa na tinapik na ng pamahalaan ang private sector na tumulong sa vaccination drive dahil sa kakulangan ng vaccinators para i- accommodate ang mga taong hindi pa nakatatanggap ng kanilang primary jab doses o booster shots.

Paliwanag nito, dahil na rin sa maraming healthcare workers sa mga ospital ang nahahawaan ng COVID-19, ilang vaccinators ang kailangan na bumalik at tulungan ang mga ospital.

“This will greatly assist our local government units and the Department of Health’s (DOH) para dagdag po itong personnel para magbakuna. At the same time, ma-de-decentralize pa natin more ang ating bakunahan instead of just being focused on big vaccination sites,” ayon kay Dizon.

Base sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DoH, mayroong 59,031,437 indibiduwal ang nakatanggap na ng kanilang first dose laban sa COVID-19 “as of Monday.”

Sa bilang na ito, 55,583,592 ang naka-kompleto na ng kanilang doses, habang 5,131,203 ang nakatanggap na ng kanilang booster shots matapos maabot ang “three to six-month requirement.”

Samantala, ang Pilipinas, “as of Monday” ay nakapagtala ng 3,242,374 kabuuang COVID-19 infections, na mayroong 37,070 karagdagang kaso. Kris Jose