7 online scammers tiklo sa ACG ops

7 online scammers tiklo sa ACG ops

August 24, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pitong miyembro ng isang grupo ng scammers na nanloloko ng mga naghahanap ng trabaho sa online ang nasakote ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Crime Group (PNP-ACG) nitong Agosto 23.

Kinilala ni ACG chief Brig. Gen. Joel Doria ang mga inarestong suspects na sina Kimberly Santillan, 43; Rosalie Verceles, 53; Lailani Bregoli, 25; Mary Jane Cuevas, 24; Zenaida Navarro, 47; Mary Jane Reyes, 46; at Simone Louise Austria, 21.

Base sa report ng ACG, nadakip ang mga suspects sa kanilang isinagawang operasyon sa Isang gusali sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue corner Taft Avenue, Barangay 146, Pasay City, Martes ng hapon.

Sinabi ni Doria na gumawa ng pekeng Facebook page ng isang lehitimong employment agency Ang mga suspects kung saan ikinalat nila ito sa iba’t ibang chat groups na nag-aalok ng trabaho para makapanloko ng tao.

Ayon naman kay Maj. Franklin Lacana, team leader ng Southern District Anti-Cybercrime Team (SDACT), ang mga biktima na nag-inquire tungkol sa alok na trabaho ay pinapupunta ng mga suspects sa kanilang opisina para sa isang interview ngunit pinagbabawalang makipag-usap kanino man gayundin ang paggamit ng cellular phone.

Dagdag pa ni Lacana, ang mga aplikante ay pinasusulat ng application form at pagbabayarin ng P300 bilang processing fee at P1,300 naman para sa pagsasagawa ng kanilang medical.

β€œWe continuously remind everyone to be vigilant and cynical with regards to advertisements you see posted online or thru other social media where anyone can pretend to be somebody or some agency they are truly not,” ani Doria.

Ang mga suspects na kasalukuyang nasa kustodiya ng SDACT para sa kanilang booking procedures ay nahaharap sa kasong identity theft, swindling/estafa, at paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act). James I. Catapusan