7 pag-atake sa gov’t officials naitala sa PBBM admin – Hontiveros

7 pag-atake sa gov’t officials naitala sa PBBM admin – Hontiveros

March 8, 2023 @ 1:39 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ng nasa 7 pag-atake sa mga local politicians simula nang mag-umpisa ang pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang pagbabahagi ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Marso 8 kung saan nakababahala umano ito sabay-sabing dapat tingnan ang dahilan ng naturang mga insidente.

“Huwag po nating gawing normal ‘yung patayan. Nagmumukhang hindi na ang Comelec (Commisson on Elections) ay tagabilang lang ng boto pero nagiging gatilyo pa siya because it seems this political violence is also election-related,” pahayag ni Hontiveros sa panayam ng ANC.

Sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, naniniwala si Hontiveros na napakahalagang tingnan “how they may, whether deliberately or not, have contributed to the violence visited upon public officials.”

Ang pag-atake kay Degamo ay dalawang linggo lamang matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon ng Comelec ang pagkapanalo ni Degamo sa 2022 Negros Oriental gubernatorial race.

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni dating Gov. Pryde Henry Teves kaugnay ng gubernatorial dispute sa Comelec, na matatandaang nagresulta sa standoff sa Negros Oriental provincial capitol sa Dumaguete City noong Oktubre.

“Does it not cause us to reflect on whether or not this violence was preventable had the nuisance candidate been declared a nuisance earlier on, and the first-proclaimed governor allowed to occupy the gubernatorial post?” tanong ni Hontiveros.

“Comelec’s processes have become increasingly ineffective and inefficient. May inordinate delay ang Comelec… Such delays in their rulings could have aggravated the political vindictiveness after electoral decisions,” dagdag pa niya.

Samantala, nauna nang sinupalpal ng kapatid ni Teves na si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, ang pag-uugnay sa kanya sa pagkamatay ni Degamo.

“Kung may balak man ako o kakayahan na gawin ito, tandaan niyo kung may balak man ako o kakayahan na gawin ito, di sana ginawa ko na ito bago pa mag eleksyon. Anong motibo ko ngayon gagawin? Hindi rin magiging benepisyaryo ako at ang kapatid ko,” ani Rep. Teves nitong Lunes, Marso 6.

“Dahil kung mawala ang gubernador, ang uupo naman ang vice governor. Hindi naman ang kapatid ko na talagang nanalo noong eleksyon pero di ko alam anong magic na nangyari na pinababa sa pwesto ang aking kapatid,” pagpapatuloy niya.

Kabilang sa iba pang insidente ng pag-atake sa mga local politicians ay naitala noong Hulyo 22 kung saan pinagbabaril-patay si dating Dolores, Quezon vice mayor Danilo Amat sa San Pablo City, Laguna.

Dalawang araw matapos ito, pinagbabaril din si dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay sa loob mismo ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.

Buwan ng Agosto naman nang barilin si dating Lobo, Batangas vice mayor Romeo Sulit habang dumadalo sa isang birthday party.

Nitong Pebrero, tinambangan din ang convoy ni Lanao del Sur Gov. Mamintal “Bombit” Adiong Jr. na nagresulta sa pagkasawi ng apat nitong police security, sa bayan ng Maguing, Lanao del Sur.

Ilang araw lamang ay pinagbabaril-patay din si Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan kabilang ang lima pa niyang kasamahan sa ambush na naganap sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Nitong Pebrero 26, tinambangan din si  Mayor Ohto Montawal ng Montawal, Maguindanao del Sur sa Pasay City na mapalad na nakaligtas dito.

“Election-related killings really tarnished the sanctity of our elections, which Comelec is responsible to protect and their call of duty is beyond election day,” pagtatapos ni Hontiveros. RNT/JGC