7 sa 10 Pinoy, oks sa National ID – SWS survey

7 sa 10 Pinoy, oks sa National ID – SWS survey

August 8, 2018 @ 3:19 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Pito sa sampung Pinoy ang pabor sa pagkakaroon ng National ID system sa bansa.

Ito ang lumabas sa 2nd Quarter ng 2018  Social Weather Survey (SWS) sa 1,200 na respondents noong June 27-30, 2018.

Sa survey na inilabas kasunod ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Identification System Law, nasa 73% ang agarang sumang-ayon sa pagkakaroon ng National ID system habang 18% naman ang hindi.

Wala namang naging tugon ang nasa 9% nito.

Ayon sa SWS, ito ay katumbas ng +55 net approval score o “extremely strong” kung saan ang pinakamataas ay naitala sa Metro Manila na may +60, +58 sa Luzon, +53 sa Visayas at +48 sa Mindanao.

Bukod dito, tinanong din ang mga respondents kung gaano kalaki ang tulong na maibibigay ng naturang ID, 32% ang sumagot ng ‘very big help’.

Habang 28% naman ang ‘big help’, 26% ang tumugon ng ‘moderate help’ at 8% ang sumagot ng ‘little help’.

Pinakamataas ang net approval ay naitala sa Metro Manila sa +60, samantalang +58 sa Luzon, +53 sa Visayas at +48 sa Mindanao.

Sa inilabas na kopya ng Republic Act 11055 o Philippine Identification System Act (PhilSys) na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong August 6, layon nitong mapag-isa ang mga government ID para sa mas maayos na identification system sa bansa.

Lalamanin nito ang PhilSys ID number, buong pangalan, litrato, kasarian, araw ng kapanganakan, blood type, at address.

Pinawi rin ng Pangulo ang pangamba kaugnay sa privacy at seguridad dahil ang mga impormasyong lalamanin ng Phil-ID ay kagaya lamang ng mga nasa Philippine Statistics Authority, Government Service Insurance System, PhilHealth, Pag-IBIG Fund, at Commission on Elections. (Remate News Team)