7 sundalo sugatan sa pagsabog ng landmine sa Northern Samar

7 sundalo sugatan sa pagsabog ng landmine sa Northern Samar

July 5, 2022 @ 5:53 PM 1 month ago


NORTHERN SAMAR – Sugatan ang pitong sundalo matapos masabugan ng anti-personnel mines sa bayan ng Mapanas kaninang umaga.

Ayon kay Major General Edgardo de Leon, nagsasagawa ng community service ang mga tauhan ng 8th Infantry Division ng Philippine Army sa Barangay Magsaysay nang nangyari ang pagsabog.

“Actually, nagki-clearing operation ‘yung tropa natin dun kasi may reports nga na may anti-personnel mines na nilalatag doon. So nagresponde ang tropa natin,” dagdag niya.

Dalawa sa mga nasugatang sundalo ang nasa kritikal na kondisyon.

Sinisi naman ni De Leon ang mga rebeldeng New People’s Army sa nangyaring pag-atake.

Giit niya, paglabag sa Ottawa Convention or the Anti-Personnel Mine Ban Treaty, kung saan signatory ang Pilipinas, ang pagtatanim ng mga rebelde ng landmines.

Nagkasa na ng pursuit operations ang mga awtoridad laban sa mga nasa likod ng pagsabog.

Dagdag pa ni De Leon, magsasampa sila ng kaso laban sa pamunuan ng National Democratic Front dahil sa paglabag sa International Humanitarian Law.

“This one, may responsibilidad ang NDF leadership na ipatigil sa NPA ang paggamit ng anti-personnel mine. Hanggang ngayon, hindi nila pinipigilan ang NPA sa manufacture, transport, stockpile and use of anti-personnel mines,” aniya pa.

Ayon sa 20th Infantry Battalion ng Philippine Army, benepisyaryo ng P63-million PAMANA infrastructure program noong 2018 ang Barangay Magsaysay pero pinigilan ng presensya ng NPA ang pagpapatupad ng mga proyekto ng mga contractors.

Samantala, nanawagan na rin si Lt. Col. Joemar Buban, commanding officer ng batalyon, sa Commission of Human Rights na imbestigahan ang patuloy na paglabag ng NPA sa Ottawa Convention at iba pang mga batas.

Wala pang komento ukol sa alegasyon ng military ang NDF. RNT/ JCM