70 bangkay ng Bilibid inmates ililibing sa Nov. 25

70 bangkay ng Bilibid inmates ililibing sa Nov. 25

November 24, 2022 @ 4:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang ilibing ang 70 bangkay ng Bilibid inmates mula sa Eastern Funeral Homes sa Biyernes, ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. nitong Huwebes.

“Bukas ho, maglilibing tayo ng 70,” ani Catapang sa programa para sa pagpapalaya sa mahigit 200 persons deprived of liberty.

Samantala, kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa ambush interview na 70 mga labi ang nakatakdang ilibing sa Biyernes.

Inihayag niya na kapwa ito mula sa Eastern Funeral Homes.

“Hindi na kaya i-autopsy ang iba, eh, kasi advanced state na. Mummified na nga ‘yung iba, talagang natuyo na. Very dry. So very, very valiant effort ang kinakailangan para malaman mo talaga sa autopsy,” paglalahad niya.

Nitong Nobyembre, nadiskubre ng mga awtoridad ang 176 bangkay ng mga pumanaw na preso mula sa New Bilibid Prison sa Eastern Funeral Homes.

Nauna nang inihayag ni Catapang na 10 bangkay ang nailibing na, kung kaya’t 166 ang natira sa funeral parlor.

Samantala, sinisilip ni Remulla na ilipat ang mga bangkay sa University of the Philippines College of Medicine para sa autopsy.

Nang tanungin kung kailan pipirmahan ang memorandum of agreement sa UP, inihayag ni Remulla na umaasa siyang magiging malinaw ito sa suusnod na pito hanggang 10 araw.

“Ano kasi syempre marami talagang ginagawa ngayon and year end pa… meron ho tayong mga kailangan tapusin,” sabi ni Remulla.

Samantala, sinabi ni Remulla na kakausapin niya si forensic pathologist Dr. Raquel Fortun sa weekend.

“And just to make sure that we’re on the same page about what we want to happen in the future. Kasi na delay pa ‘yung signing namin ng MOA with the University of the Philippines,” aniya.

Nang tanungin naman ukol sa imbestigasyon sa high-profile inmates sa NBP na umanno’y namatay dahil sa COVID-19, sinabi ni Remulla na mayroong “feelers” na nais magsalita ukol sa mga kaganapan sa loob ng BuCor.

“PDLs din ‘yung marami. PDLs din ‘yung nakakaalam ng maraming bagay. Sila talaga. May kasabihan pa nga, if the walls could talk nagsalita na lahat ‘yan. Syempre there are a lot of secrets behind the whole complex,” pahayag niya. RNT/SA