70% ng senior officials sa PNP nagpasa na ng courtesy resignation

70% ng senior officials sa PNP nagpasa na ng courtesy resignation

January 11, 2023 @ 5:07 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasa 70% na ng mga senior officials ng Philippine National Police’s (PNP) ang naghain ng kani-kanilang courtesy resignations bilang tugon sa naunang panawagan ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. kamakailan na may kinalaman sa cleansing ng ahensya.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Miyerkules, Enero 11, inaasahan nila na mas marami pa ang magpapasa ng resignation ngayong linggo na karamihan ay magmumula sa mga opisyal na nakatalaga sa regional at provincial offices.

Sa kabila nito, hindi naman sinabi ni Fajardo ang iba pang detalye kaugnay ng ranggo ng mga opisyal na nagpasa ng resignations.

Nauna na niyang sinabi na inaasahan ang 956 courtesy resignations mula sa mga senior officials ng PNP o mula colonel hanggang heneral sa buong bansa.

Sinabi naman ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na tinitingnan niya ang Enero 31 bilang deadline ng pagpapasa nito sabay sabing mas mababa sa 10 opisyal ang hinihinalang sangkot sa mga sindikato ng illegal na droga.

“Kung sakali pagkatapos ng Jan. 31 na target ay hindi pa rin pa sila nag-submit ng courtesy resignation, then may mga actions naman sila but I am not at liberty to reveal yung mga actions na iyon,” tugon naman ni Fajardo.

Dagdag pa, sinabi rin niya na nirerespeto ng PNP ang kritisismo ng grupong Victims Against Crime and Corruption (VACC), kung saan ang hakbang na ito ay maaaring magdulot ng “demoralization” sa ahensya.

“This will do good sa PNP organization dahil once matapos iyong proseso ay naniniwala tayo mas marami pong mga senior officers ang ma-clear sa mga innuendos at insinuations at taas-noo na nakaharap na ako ay dumaan sa proseso at na-clear. Ibig sabihin ako ay may moral authority at ascendancy, hindi lamang sa mamamayang Pilipino, lalong lalo dito sa mas mababang rank sa atin,” pagtatapos niya. RNT/JGC