70 pa na bangkay ng PDLs nailibing na sa NBP

70 pa na bangkay ng PDLs nailibing na sa NBP

December 2, 2022 @ 1:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nailibing na ang 70 karagdagang bangkay ng persons deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison (NBP) cemetery nitong Biyernes ng umaga, Disyembre 2.

Dahil dito ay umakyat na sa kabuuang 140 PDLs ang nailibing mula sa 176 na bangkay na nasa Eastern Funeral Homes, ang tanging akreditadong punerarya ng Bureau of Corrections.

Ang mga bangkay na nakatambak sa nasabing punerarya ay ang mga preso ng Bilibid na walang kumukuhang kapamilya nito o kamag-anak.

Bago ang nasabing paglilibing ay nagsagawa muna ng misa at kapansin-pansin na karamihan sa mga upuan na pwesto ng mga mahal sa buhay ng mga nasawi ay bakante.

“Masakit po sa dibdib na ihatid sila lalo na’t iniisip natin na nakalimutan sila. Hindi man sinasadya ng kanilang mga kamag anak,” sinabi ni Director Ma. Cecilia Villanueva ng Health and Welfare Services kasabay ng misa.

“Pero po katulad ko po, matagal na po ako sa BuCor, 32 years na po, siguro po one time or another these PDL have seen me, have consulted or have mingled with me. So sila po ay tinuturing ko na na kapamilya. ‘Pag po may namamatay sa pamilya natin, mabigat sa dibdib,” dagdag niya.

Pagkatapos naman ng misa ay dinala na ang mga kabaong ng mga PDLs sa mga apartment tombs.

“Ngayon po itong mga nilibing natin ‘yung deaths natin hanggang August and the relatives were informed,” sinabi pa ni Villanueva sa panayam.

“’Yun nga po kaya lang nga unclaimed na talaga sila, hindi na nagpunta yung relatives, or there some relatives who came but only to take their death certificate,” dagdag niya.

Samantala, mayroon pa na 36 na katawan ang naiwan sa Eastern Funeral Homes at ang iba sa mga bangkay ay nakuha na ng kanilang mga pamilya.

“Pero may ibang na-claim na kasi because of the ‘yung ano natin— maraming nagke-claim ngayon… oo, due to the information nung paglilibing natin, medyo mas maraming nagke-claim ngayon na mga bodies.” RNT/JGC