700 pamilya nasunugan sa Cebu, 3 sugatan

700 pamilya nasunugan sa Cebu, 3 sugatan

November 23, 2022 @ 11:59 AM 4 days ago


MANDAUE CITY- Nawalan ng tahanan ang higit sa 700 pamilya habang sugatan ang tatlong katao matapos tupukin ng apoy ang 250 kabahayan kagabi, Nobyembre 22 sa lungsod na ito.

Batay sa report ng Mandaue City Fire station, dakong 11:45 ng gabi nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Renaldo Devilleres, sa C. Ouano St., Sitio Paradise, Brgy. Looc, Mandaue City.

Umakyat sa ikaapat na alarma ang sunog na ikinasugat ng tatlong katao kabilang si Devilleres na nagtamo ng 2nd degree burn habang patuloy naman ang ginagawang profiling ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng mga biktima.

Mabilis na kumalat ang apoy at tinupok nito ang 250 kabahayan dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay.

Tuluyan naman naapula ang sunog bandang 2:30 ng madaling araw, Nobyembre 23 at umabot sa P1.2 milyon ang mga halaga ng mga ari-arian tinupok at inaalam na rin ng mga awtoridad ang naging sanhi ng sunog.

Inilikas naman ng Mandaue City Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga pamilyang apektado na sunog at dinala sa Mandaue City Central School na binigyan na rin ng mga food packs. Mary Anne Sapico