700K nagkaka-TB kada taon

700K nagkaka-TB kada taon

March 17, 2023 @ 5:37 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nasa 700,000 Pilipino sa buong bansa ang nagkakaroon ng tuberculosis kada taon ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Dr. Ronald Allan Fabella, Global Fund Advisor ng DOH Disease Prevention and Control Bureau, na aabot sa 470,000 Pilipino ang nakatanggap ng tuberculosis prevention services noong 2022.

Aniya, base sa ulat ng global tuberculosis ng WHO na inilabas noong 2022, humigit-kumulang 60,000 Pilipino ang namatay dahil sa tuberculosis, habang humigit-kumulang 741,000 Pilipino ang nagkaroon ng aktibong tuberculosis noong 2021.

Ayon kay Fabella, hindi ito nakakapagtaka dahil nakaapekto ang programa para sa TB noong pandemya at bumaba ang TB patients ang nasuri at nabibigyan ng gamutan.

“Sa TB control po kasi ang importante matigil ang transmission at para matigil ang transmission kailangan madetect sila at magamot sila. The more nadedetect natin at nagagamot, the more na mapapabilis natin ang pagwala ng sakit na ito,” dagdag pa ni Fabella.

Ang tuberculosis ay kumakalat sa tao sa pamamagitan ng hangin at kabilang sa mga sintomas nito kapag magkaroon ng aktibong tuberculosis ay lagnat, pagpapawis sa gabi at kabawasan ng timbang.

Sinabi rin ni Fabella na ang naturang sakit ay maituturing na public health problem kaya hinikayat ang mga indibidwal na may sintomas ng tuberculosis na magpakonsulta sa health center o rural health units. Jocelyn Tabangcura-Domenden