730 tauhan ipakakalat ng MMDA sa Pista ng Nazareno

730 tauhan ipakakalat ng MMDA sa Pista ng Nazareno

January 4, 2023 @ 5:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magpapakalat ng nasa 730 tauhan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasabay ng mga aktibidad sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong taon.

Ayon sa MMDA, ang mga ito ay ipakakalat upang umasiste sa Traffic Management and Clearing Operations mula Enero 6 hanggang 9.

“Ang ide-deploy na tauhan ng ahensiya ay mula sa Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) na nakatalaga sa crowd control, Western Traffic Enforcement (WTED) na tutulong sa pagmamando ng trapiko, Metro Parkways Clearing Group (MPCG) na magdedeploy ng street sweepers upang mapanatili ang kalinisan sa lugar,” pahayag ng ahensya nitong Miyerkules, Enero 4.

Maglalagay din ng nasa 25 portalets upang magamit ng mga deboto sa aktibidad.

Inatasan na ng MMDA ang Task Force Special Operations (TFSO) upang magkasa ng clearing operations sa mga kalsada, habang ang Road Emergency Group (RSG) sa mga emergency cases.

Mahigpit din na babantayan ng mga tauhan sa Metrobase ang mga kaganapan sa lugar sa pamamagitan ng mga CCTV camera.

Inaasahan na nasa 5 milyong deboto ang makikilahok sa Walk of Faith procession na gaganapin sa Enero 8, ayon sa Manila Police District (MPD).

Nauna nang sinabi ni MPD chief Police Brigadier General Andre Dizon na aabot naman sa 5,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa kaparehong aktibidad. RNT/JGC