Todas sa buy bust operation

Todas sa buy bust operation

July 12, 2018 @ 4:14 PM 4 years ago


Makati City – Patay ang isang kilalang drug personality at notoryus na miyembro ng “Basag Kotse Gang” at holdaper makaraang manlaban ito sa mga operatiba na nagsagawa ng drug buy-bust operation laban sa kanya kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Namatay sa lugar ng pinangyarihan sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang suspect na kinilalang si Jerryme Delica a.k.a. Mekmek, 29, residente ng Granate St. San Andres, Manila.

Base sa ulat na natanggap ni Makati City police chief Sr. Supt. Rogelio Simon, naganap ang insidente dakong alas-4:20 ng madaling araw sa Kalayaan Avenue at Mabini St., Brgy. West Rembo, Makati City.

Nauna dito, inaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (DEU) ng Makati City police sa isa ring buy-bust operation ang mga suspects na sina Jetro Jun Celedonio at Mart Aris Nuval sa Brgy. Comembo.

Makaraang sumailalim sa interogasyon ng pulisya sina Celedonio at Nuval ay kanilang itinuro si Delica na pinanggagalingan ng kanilang itinutulak na iligal na droga.

Agad na nagkasa ang DEU ng buy-bust operation laban kay Delica kung saan isang pulis ang nagpanggap na poseur-buyer na nakipagtransaksyon sa suspect.

Sa kalagitnaan ng pakikipagtransaksyon ng poseur-buyer na pulis kay Delica ay nakahalata ang suspect na pulis ang kanyang kausap at kaagad na bumunot ito ng baril na nagdulot ng engkwentro.

Makalipas ang ilang minutong palitan ng putok ay tumambad ang duguang biktima na nakalugmok sa kalsada na walang buhay.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives ng Southern Police District ((SPD-SOCO) ay narekober sa posesyon ni Delica ang isang kalibre .45 baril, 1 platic sachet na naglalaman ng pinatuyong marijuana, 1 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, P360 cash na nakalagay sa sling bag, 1 M26 fragmentation grenade, P1,000 na marked money at  iba’t-ibang klase ng bala. (James I. Catapusan)