750K bagong benepisyaryo dagdag sa listahan ng 4Ps – Gatchalian

750K bagong benepisyaryo dagdag sa listahan ng 4Ps – Gatchalian

February 10, 2023 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nadagdagan ng 750,000 bagong benepisyaryo ang listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kapalit naman ng 800,000 na nauna nang inalis kamakailan.

“Naka-750,000 na papalit sa kanila ang naitala galing doon sa huling database, ‘yung Listahanan 2019-2020,” ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian nitong Biyernes, Pebrero 10 sa panayam ng GMA News.

Matatandaan na nasa 1.3 milyon benepisyaryo ng programa ang isinailalim sa revalidation dahil outdated na ang listahan, o nangangahulugan na marahil ang ilan sa mga ito ay hindi na maikukunsiderang mahirap.

Mula nang italaga si Gatchalian, dating alkalde ng Valenzuela at isang mambabatas, sinabi nito na tututukan niya ang pagsasaayos ng listahan ng mga benepisyaryo sa iba’t ibang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa kabila nito, sinabi naman ni Gatchalian na ititigil na nito ang paggawa ng sarilnig database para sa mga benepisyaryo at dedepende na lamang sila sa database ng Philippines Statistics Authority (PSA) saad sa Community-Based Monitoring System law.

“Nakasaad sa batas na ‘yun, by the end of this year, wala nang ibang database na gagamitin kung hindi yung database ng CBMS, so talagang iyu-unify na,” aniya.

Kasalukuyan nang nag-uusapan sina Gatchalian at National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa kaugnay sa naturang usapin.

Nanawagan naman ang DSWD at PSA sa mga mambabatas na pondohan ang ahensya upang matapos na ang database kasabay ng pagtatapos ng 2023. RNT/JGC