77 sumukong NPA pinagkalooban ng P4.3M

77 sumukong NPA pinagkalooban ng P4.3M

November 5, 2022 @ 3:06 PM 3 weeks ago


CAGAYAN DE ORO CITY – Umabot sa P4.3 milyon ang ipinamahagi sa 77 dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Bukidnon sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-Clip) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kahapon.

Pinangunahan ni Col. Ted B Dumosmog, acting commander ng Philippine Army 403rd Infantry Brigade (403B) ang Oath of Allegiance to the Republic of the Philippines sa mga rebeldeng sumuko na ginanap sa Camp Osito D. Bahian, Malaybalay City, Bukidnon.

Naging sentro sa nasabing programa ang mga armas na isinuko ng mga dating rebeldeng NPA, pamamahagi ng tulong pangkabuhayan, pang-agarang tulong at ang kabayaran sa mga armas.

Sinabi ni Dumosmog sa kanyang talumpati na ang Bukidnon Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program and Amnesty Cluster ay palaging nakahandang tumulong sa mga sumukong rebelde na siya rin pangako ng gobyerno.

Alinsunod rin ito sa Administrative Order 10 ni dating pangulong Rodrigo Duterte para matulungan ang mga rebeldeng sumuko na muling mapabilang sa komunidad.

Ang iba’t ibang tulong pinansiyal na ibinigay sa mga dating rebelde ay inilaan para sa kanilang pag-unlad at panimula sa matiwasay na pamumuhay. Mary Anne Sapico