78,000+ WANTED HULI, 381 PATAY SA PNP

78,000+ WANTED HULI, 381 PATAY SA PNP

December 12, 2022 @ 11:24 AM 2 months ago


MAGANDA ang rekord ng Philippine National Police sa pagsugpo sa krimen.

Mula Enero hanggang Disyembre 7, 2022, nakahuli umano ang mga pulis ng 78,293 taong may warrant of arrest.

Nakapatay naman ang mga ito ng 381 na nanlaban sa mga operasyon ng pulisya.

Siyempre pa, hindi warrant of arrest kundi on-the-spot o warrantless arrest ang karaniwang gamit laban sa mga nagtutupada, nagto-tong-its, nagma-mahjong, nagsasakla at iba pa at nakahuli ang mga pulis ng mahigit 103,000.

Gayunman, marami rito an nagrereklamo dahil idinadamay sila kahit hindi sila kasama.

Iba pa ang warrantless arrest din laban sa mga iligal na nanginisda at may bilang na 29,572.

Dito, hindi natin alam kung kasama ang mga pirata at nangongotong na pulis-pandagat.

May sumurender din umano na 2,440 kasapi ng New People’s Army.

NAKUKULANGAN

Saludo tayo sa lahat ng kasapi at pamunuan ng PNP sa matapat nilang paggampan ng tungkulin.

Siyempre pa, saludo tayo sa lahat ng magkakaibang namuno sa PNP sa buong panahong ito mula kay General Dionardo Carlos at OIC Gen. Vicente Danao hanggang kay Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Kaya lang, nakukulangan tayo sa ulat, mga Bro, lalo na kung iisipin na pawang mga numero lang ang lumabas.

Una, walang naitampok na ngalan ng mataas na opisyal ng PNP at opisyal ng gobyerno.

Ikalawa, wala ring nabanggit na ngalan ng mga druglord o kung gaano karami sa mga nahuling wanted ang sangkot sa droga.

Ikatlo, sa mahigit 78,000 wanted na nahuli, ano-ano ang mga pangunahing krimen na kinasangkutan ng mga ito?

Kaya naman, umaasa tayo na sa mga susunod na araw, makababasa tayo ng ulat ukol sa mga ito.

MAY PARTIDA

Paano kaya kung higit na masipag ang mga pulis sa paghahanap sa mga kriminal?

May mga partida kasi sa performance ng mga pulis at dito asar ang mga beteranong pulis.

Itong mga beterano at nagkakaedad na pulis, mga Bro, ang sabi, napo-promote sila sa performance kaya todo kiilos sila.

Pero ang iba, mas gusto nila ang nasa opisina o hindi kumikilos dahil sa pagdaan ng mga taon, may automatic na promosyon, mapalaban man sila sa krimen o hindi.

‘Yung iba, hindi lumalaban sa krimen kundi nag-iiba ng duty matapos silang mag-duty ng 8-12 oras sa opisina o ronda.

Nagpapalit sila ng uniporme at nagsusuot ng panlaban sa mga “traffic violator” at lumalabag sa coding system, walang driver’s license, may depektibong ilaw, walang dalang certificate of registration o official receipt ng rehistro at marami pang iba.

Dito nag-aaplay sa Land Transportation Office ng pagiging deputized na manghuli at laman sila ng mga LTO office lagi.

Bakit kaya? Hmmmm!

‘Yung iba, hindi deputized pero basta nanghuhuli, lalo na sa gabi kahit saan sa Metro Manila.
Ang malalaking trak, laging may badyet para sa mga nanghuhuli.

PNP chief, General Azurin , Sir!