782 ektaryang lupa ipinamahagi sa 1,299 magsasaka sa NegOr     

782 ektaryang lupa ipinamahagi sa 1,299 magsasaka sa NegOr     

February 9, 2022 @ 6:30 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang nasa 782 ektaryang lupain na matagal na nilang inaasam ng 1,299 magsasaka sa Negros Oriental.

Sinabi ni DAR Secretary Bernie F. Cruz, na namuno sa seremonya ng pamamahagi, ang aktibidad na ito ay  magandang simula ng taon sa mga magsasaka upang lalo nilang mapagyaman ang kanilang lupain at mapaunlad ang kanilang mga pamumuhay.

“Narito kami, kasama ang mga pangunahing opisyal ng ahensiya, upang samahan kayo sa pagdiriwang na ito. Ang lupang tinatamnan ninyo ng ilang taon ay nasasakamay na ninyo. Alagaan ninyo ang mga titulo ng lupa dahil maipapasa ninyo ito sa mga susunod na henerasyon ng inyong pamilya,” aniya.

Kaugnay nito idinagdag pa ni Cruz na ginagawa ng DAR ang lahat ng kanilang makakaya upang mapaunlad ang sektor ng agrikultura at mai-angat ang pamumuhay ng mga magsasaka sa kanayunan at maseguro rin ang sapat na pagkain ng bansa.

Kabilang naman sa lupang ipinamahagi sa South Negros Oriental ay mula sa bayan ng Mabinay na may 242.6841 ektarya; Bayawan, 43.6656 ektarya; Tanjay, 24.8265 ektarya.; La Libertad, 22 ektarya; Sta. Catalina, 15.9533 ektarya; Pamplona, 14.7992 ektarya; and Amlan, 4.18 ektarya.

Sa North Negros Oriental, namahagi ang DAR sa Guihulngan City ng 343.7355 ektarya, at sa Canlaon City  ng may  70.1861 ektarya.

Kaugnay nito ibinahagi ni Alejandro Didal, isa sa mga tumanggap ng lupa mula sa Guihulngan City, na ang lupang tinanggap nila ay nagsisilbing pangpapataas ng moral sa mga magsasaka dahil ito ay nagpapakita na ang pamahalaan ay nagpapatotoo sa mga pangako nito na tulungan ang mga mahihirap na magsasaka.

“Maraming salamat sa DAR. Ang pag-ari sa lupang pinapangarap namin ay napakahalaga sa aming pamumuhay,” aniya.

Samantala, sinabihan naman ni OIC-Central Visayas Regional Director Romeo Reyes ang mga agrarian reform beneficiaries na ang tulong ng ahensiya ay hindi nagtatapos sa pamamahagi ng lupa kung hindi patuloy aniya na  alalayan din sila na paunlarin ang kanilang mga lupain sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga suportang serbisyo. Santi Celario