7K bagong kaso kada araw inaasahan bago magtapos ang Marso

7K bagong kaso kada araw inaasahan bago magtapos ang Marso

March 14, 2021 @ 9:53 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Ayon sa OCTA Research group maaaring lumobo sa hanggang 7,000 kada araw ang maitatalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) bago magtapos ang Marso.

“[P]osible talagang pumalo ng 7,000 ‘yan. Puwede pang mas mataas doon. Conservative nga ‘yan. Ayoko nga magbigay ng masyadong mataas na number, sinasabihan tayo ng fear mongering tayo,” sinabi ni Dr. Guido David sa Dobol B.

Nitong Sabado, naitala ang 5,000 bagong kaso na unang forecast ng grupo.

“Nakita natin 5,000 sa buong Pilipinas by end of March. Ngayon nangangalahati pa lang ‘yung March, wala pa ngang kalahati, naabutan na natin ‘yung 5,000 cases sa buong Pilipinas,” punto nito.

Inaasahan ding tumaas ang pagbilis ng pagkalat ng sakit.

“Ibig sabihin mas mabilis ‘yung pagtaas kaysa sa inaakala natin. ‘Yung reproduction number nga nasa mga 2 na, eh, almost 2 na… ibig sabihin mas malala pa ito kaysa sa ating projections,” aniya.

Mariin ding itinanggi ni David na inaalarma nito ang publiko.

“Tsaka ‘yung mga nagsasabing fear-mongering, conservative pa nga ‘yung projections sa lagay na iyon, eh,” giit nito.

Iniugnay din ni David ang pagtuloy na pagtaas ng kaso ng sakit sa bagong variants.

“Kasi yung dati namang virus na kumakalat dito, hindi siya ganito kabilis kumalat, hindi ganito kalakas, hindi ganito kapunit,” ani David. RNT/ELM