7K deboto dumagsa sa Quiapo sa Ash Wednesday

7K deboto dumagsa sa Quiapo sa Ash Wednesday

February 22, 2023 @ 1:52 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Bilang hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma o paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon, dumagsa ang mga deboto sa muling pagbabalik ng tradisyunal na paglalagay ng cross na abo sa noo ngayong Ash Wednesday na tanda ng dakilang pag-ibig ng Panginoon.

Batay sa crowd estimate ng Manila Police District (MPD) Plaza Miranda PCP, sinabi ni MPD-PIO Major Philipp Ines na umabot sa 7,000 ang maagang pumila para makapagpalagay ng abo sa kanilang noo kaninang alas-5 ng umaga sa Quiapo Church.

Ang kapasidad ng Simbahan ay mayroon lamang 1,200 kaya karamihan ay nagtiyaga na makinig ng misa sa labas ng simbahan partikular sa Plaza Miranda at kahabaan ng Quezon Boulevard.

Gayunman, kumunti naman ang mga nagtutungo sa Quiapo pagsapit ng tanghali dahil na rin sa mainit na panahon kaya sa mga oras na ito ay nakapagtala na lamang ng 900 na crowd estimate.

Ayon kay Major Ines, upang mapanatili na maging maayos ang pagdaraos ng Ash Wednesday sa Quiapo ay nagdeploy naman ng nasa humigit-kumulang 50 personnel mula sa district at Plaza Miranda PCP.

Ang Ash Wednesday na una nang sinabi ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, na ito ay pagbibigay ng pag-asa sa sangkatauhan na handing magbalik-loob sa kabila ng pagkakasadlak sa kasalanan.

Isa si Tessy Magallanes sa nagpalagay ng abo sa noo dahil sa paniniwala na sa pamamagitan ng nito ay mababawasan ang kanyang pagkakasala at naniniwala na ang bawat isa na may pag-asa dahil sa pagtubos ni Kristo sa ating mga kasalanan.

“Ilang Mahal na Araw na ang nagdaan dahil sa pandemya –parang may kulang dahil nawala ang paglalagay ng abo sa ating noo kahit na tayo ay nagdadasal at nagsisimba, iba pa rin itong Ash Wednesday kasi tanda ito ng pagsisisi ng ating kasalanan.”

Kasabay ng kanyang paghingi ng kapatawaran, dalangin lamang ni Aling Tessy ang matiwasay na buhay at kalusugan ng kanyang bawat miyembro ng pamilya.

Bukod sa paglalagay ng krus na abo sa noo ay tanda rin ito ng pag-aayuno sa Kuwaresma. Jocelyn Tabangcura-Domenden