7M deactivated na botante, magparehistro sa Comelec – PPCRV

7M deactivated na botante, magparehistro sa Comelec – PPCRV

June 4, 2021 @ 3:38 PM 2 years ago


Manila, Philippines – Hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga botante na deactivated na ang kanilang voters registration na muling magpatala sa Commission on Elections (Comelec).

Partikular na hinikayat ng PPCRV ang mga hindi nakaboto ng dalawang magkasunod na halalan lumipat ng tirahan nagpalit na ng pangalan o Overseas Filipino Workers na bumalik na ng bansa.

Ayon kay PPCRV Executive Director Maria Isabel Buenaobra, may pitong milyong botante na dineactivate o inalis ng COMELEC sa listahan ng mga botante sa bansa.

Napakahalaga aniya  ang partisipasyon ng bawat Filipino sa nakatakdang halalan sa susunod na taong 2022 National and Local Election kung saan kabilang sa mga dapat ihalal ay ang magiging bagong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa na magsisilbi sa loob ng susunod na anim na taon.

Ibinahagi rin  ni  Buenaobra ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng PPCRV sa iba’t ibang diyosesis sa bansa upang maging katuwang sa pananawagan at kampanya na himukin ang mga kabataan, mga umuwing OFW at mga na-deactivate na mga botante upang muling magpatala sa kasalukuyang voters’ registration ng COMELEC.

Paliwanag ni Buenaobra, mahalagang makabahagi ang bawat mamamayan sa nakatakdang halalan na kabilang sa karapatan at tungkulin ng bawat isa sa isang demokratikong bansa.

Tiwala naman ang PPCRV na maaabot ng COMELEC ang target nitong magkapagpatala ng 60 milyon o higit pang mga rehistradong botante na maaaring makibahagi sa nakatakdang halalan sa 2022.

Ibinahagi ng komisyon na umaabot na sa 59 milyon ang bilang ng mga rehistradong botante sa bansa.

Batay sa opisyal na tala ng COMELEC noong 2019 elections, may 61.8 milyon ang bilang ng mga botante sa bansa ngunit kinailangang i-deactivate ng komisyon ang mahigit sa 7-milyong botante dahil na rin sa pagkabigo na bomoto sa dalawang magkasunod na halalan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)