8 bahay damay sa landslide sa Cebu City

8 bahay damay sa landslide sa Cebu City

October 30, 2022 @ 10:24 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Napinsala ang walong tahanan sa pagguho ng lupa sa Sitio Graje, Barangay Busay, Cebu City pasado alas-4 ng hapon nitong Sabado.

Base sa hepe ng Cebu City Disaster Risk Reduction Management Office Harold Alcontin, may 10 pamilya ang apektado sa trahedya. 

Sinabi naman ng barangay treasurer na si Mira Miscala na kabilang sa mga bahay na nasira ay pagmamay-ari ng barangay Kapitan na si Maria Christia Famador, bahay ng kanyang nanay at dalawa pang kapatid.

Dagdag ni Alcontin, dahil sa walang hupa na pag-ulan dulot ng bagyong Paeng, tuluyan nang gumuho ang lupa. Nauna rito ay may minor landslide na nangyari sa nakaraang linggo. 

Wala namang naiulat na nasaktan sa pangyayari dahil agad na lumikas ang mga naninirahan dito.

Base kay Alcontin, sadyang landslide-prone ang barangay Busay kaya’t palagi nila itong pinagtutuunan ng pansin lalo na kung may mga malalakas na pag-ulan at agaran silang nagsasagawa ng mga pre-emptive evacuation lalo na sa mga delikadong lugar. RNT/SA