8 barangay sa Parañaque, COVID free na rin

8 barangay sa Parañaque, COVID free na rin

April 2, 2022 @ 12:15 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Walo sa kabuuang 16 na barangay sa Paranaque ay itinuturing na coronavirus disease o COVID-19 free ayon sa lokal na pamahalaan nitong Huwebes.

Ang walong barangay na itinuturing na COVID-free sa lungsod ay ang mga barangay ng Don Galo, San Dionisio, Sto. Niño, Vitalez, Marcelo Green, Merville, San Antonio at Sun Valley.

Sa datos ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) at City Health Office (CHO) nitong Abril 1 ay mayroon na lamang 20 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod kabilang na dito ang apat na bagong kaso na kanilang naitala.

Sa natitirang walong barangay ay ang Barangay BF ang nakapagtala ng may pinakamarami pang kaso ng COVID-19 na mayroong pitong kaso na sinundan ng Barangay Don Bosco na may 4 na kaso; mga barangay ng Baclaran at San Isidro na may tig-2 kaso habang limang barangay na kinabibilangan ng La Huerta, Tambo, Moonwalk, San Martin de Porres at hindi alam na barangay ang nakapagtala ng tig-isang kaso ng virus.

Simula nang tumama ang COVID-19 sa lungsod ay nakapagtala na rin ng kabuuang 50,819 indibidwal ang may kumirmadong kaso at 785 naman ang mga namatay dahil sa virus.

Sa recovery rate naman ay mayroong 50,014 ang mga nakarecover at tuluyan nang gumaling na may katumbas na 98.42 porsyento.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa lahat ng residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at pag-obserba sa physical distancing upang makamit ang pinakamimithing zero COVID ng lungsod.

Kasabay nito ay patuloy din ang pagsasagawa ng pagpapatrulya ng mga opisyales ng barangay katuwang ang lokal na pulisya upang paalalahanan ang mga residente sa pagsunod sa ipinatutupad na health protocols ng lungsod. James I. Catapusan