8 bayan sa E. Visayas dinelubyo!

8 bayan sa E. Visayas dinelubyo!

January 17, 2023 @ 8:07 AM 3 weeks ago


TACLOBAN CITY – Nagdeklara ng state of calamity ang 8 local government units (LGUs) sa Eastern Visayas matapos lumubog sa baha sanhi ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon noong nakalipas na Linggo.

Sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council kahapon, sa probinsya ng Eastern Samar: Calbayog City, Gandara, Basey, at San Jorge sa Samar; San Miguel at Santa Fe sa Leyte; at Catubig sa Northern Samar.

Ang nasabing walong bayan ay maraming komunidad ang binaha at malaking dami ng mga pananim ang nasira.

Idineklara ang state of calamity para magbigay-daan sa paggamit ng calamity fund upang matulungan ang mga apektadong residente. Makokontrol din nito ang pagpepresyo ng mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar.

Sa Jipapad, Eastern Samar, nabahala si Mayor Benjamin Ver sa pagkaubos ng calamity funds dahil sa baha na nagsimula pa noong ikatlong linggo ng Disyembre.

“Ang aming agarang pangangailangan ay pagkain at inuming tubig dahil ang aming lokal na pondo ay naubos na,” ani alkalde.

Nitong nakalipas na dalawang linggo, nagtaas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng red rainfall warning sa mga lalawigan ng Leyte, Biliran, Southern Leyte, Eastern Samar, at Samar.

Ang isang red rainfall advisory ay ibinibigay kapag ang pag-ulan ay higit sa 30 mm (milimetro) sa loob ng isang oras o kung ito ay nagpatuloy sa nakalipas na tatlong oras at higit sa 65 mm.

Nakapagtala na rin ng 7 katao ang nasawi sa malakas na buhos ng ulan sa mga lalawigan ng Leyte, Eastern Samar at Northern Samar.

Halos nasa 778,422 katao sa rehiyon ang labis na naapektuhan ng sama panahon dulot ng LPA at hilagang-silangan na monsoon.

Sa sector naman ng agrikultura, humigit-kumulang P145.47 milyon ang halaga ng pinsalang naiulat na may 9,237 ektarya ng mga sakahan ng palay na nawasak ng baha./Mary Anne Sapico