‘8 billionth person in the world’ isinilang sa Manila

‘8 billionth person in the world’ isinilang sa Manila

November 15, 2022 @ 1:12 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Tinaguriang sumisimbolo bilang ‘8 billionth person in the world’ ang isang babaeng sanggol na ipinanganak sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital madaling araw ng Martes.

Pinangalan ang sanggol na si Venice Mabansag. Siya ay ipinanganak kaninang ala-1:29 ng madaling araw.

Ayon kay Dr. Romeo Bituin,  chief medical professional staff ng ospital, nasaksihan nila ang pagsilang sa ika-8 bilyong sanggol sa buong mundo sa Pilipinas.

Kwento ni Bituin, naghintay sila ng dalawang oras at ipinanganak nga bandang ala-1:29 ng madaling araw ang sanggol na normal delivery.

Nauna nang tinantiya ng United Nations na ang populasyon ng tao sa daigdig ay aabot sa walong bilyon sa kalagitnaan ng Nobyembre ngayong taon.

Ikinatuwa naman ni Maria Margarette Villorente, na ang kanyang sanggol ay kinonsidera bilang world’s “8th billion baby” na aniya ay isang pagpapala.

Umaasa naman si Commission on Population and Development’s (POPCOM) chief administrative officer Lyneth Therese Monsalve na ang sanggol ay simbolo ng pagbabago sa hinaharap.

Ayon sa POPCOM, ang populasyon sa Pilipinas ay mas mabagal ang paglaki na may 1.9 fertility rate noong 2022, na nangangahulugang ang isang ina ay nagsilang ng wala pang dalawang sanggol lamang. Mas mababa ito kumpara sa 2.7 fertility rate noong 2017.

Ang mas mababang fertility rate ay dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic at sa lumalagong kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa pagpaplano ng pamilya, ayon sa ulat. Jocelyn Tabangcura-Domenden