8 canister ng Kush nasabat ng BOC; nagsilbing claimant tiklo

8 canister ng Kush nasabat ng BOC; nagsilbing claimant tiklo

September 14, 2022 @ 12:47 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang nagsilbing “claimant” ng kanilang nasabat na 35 gramo ng Kush Marijuana na nagmula pa sa USA sa isinagawang operasyon sa Malabon City nitong Martes, Setyembre 13.

Nabatid sa BOC, ang nasabing kargamento ay nagmula sa Pennsylvania, USA, kung saan idineklara ito na naglalaman ng “goodies” ngunit nang isailalim sa x-ray scanning na nagpakita ng mga kahina-hinalang larawan.

Dahil dito nagsagawa ng 100% physical examination na nagresulta sa pagkakadiskubre ng walong canister na naglalaman ng Kush Marijuana na nasa 35 gramo at nagkakahalaga ng P52,500.

Kinumpirma naman ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawa nilang chemical laboratory analysis ng pagkakaroon ng Tetrahydrocannabinol/ Marijuana ang kanilang kinuhang sample kung saan ito ay isang mapanganib na gamot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inisyuhan naman ni District Collector Alexandra Lumontad ng Warrant of Seizure and Detention dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, I & l (3 & 4) ng R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa Section 4 ng R.A. No. 9165 ang nasabing kontrabando.

Nagsagawa naman ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng PDEA at BOC noong Setyembre 13 sa Malabon City na humantong sa pagkakaaresto sa isang (1) claimant.

Nasamsam ng Port of Clark ang P114 milyong halaga ng iligal na droga mula Enero 2022 hanggang sa kasalukuyan. JAY Reyes