8 crew patay sa sumabog na eroplano ng Ukraine

8 crew patay sa sumabog na eroplano ng Ukraine

July 18, 2022 @ 8:35 AM 4 weeks ago


KAVALA, Greece – Patay lahat ang walong crew ng eroplanong pag-aari ng Ukraine na bumagsak, sumabog at lumiyab sa bansang ito kahapon.

Ayon kay Serbia Defense Minister Nebojsa Stefanovic, maari umanong pawang mga Ukrainian dahil pag-aari ng Ukraine ang eroplanong Antonov An-12 na nadisgrasya.

Ayon kay Stefanovic, nanggaling ang eroplano sa Nis Airport sa Serbia sakay ang mga armas na gawa ng Valir, isang pribadong kompanyang gumagawa ng armas, at dadalhin sana sa Bangladesh ngunit hindi sa Ukraine gaya ng paniniwala ng iba.

Ayon sa mga nakasaksi, narinig nilang sobra ang ingay ng eroplano, lumiliyab ang makina nito habang nasa ere hanggang sa bumagsak ito sa lugar na walang kabahayan.

Kinumpirma naman ng mga air traffic controller sa Greece na humingi ang piloto ng permiso sa kanila na lumapag sa isang paliparan dito ngunit hindi na umabot sa lugar. RNT