8 entries sa MMFF, kumpleto na!

8 entries sa MMFF, kumpleto na!

October 10, 2018 @ 1:50 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Inanunsyo ng Metro Manila Film Festival na kumpleto na ang walong pelikulang pasok sa taunang event na inoorganisa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may layuning itaguyod ang industriya ng mga lokal na pelikula na mapapanood sa mga sinehan simula sa Araw ng Pasko.

Ayon sa Metro Manila Film Festival Executive Committee, nito lamang Martes ay inanunsyo na nila ang apat na pelikulang pasok sa MMFF na “Mary, Marry Me” na pagbibidahan nina Toni Gonzaga, Alex Gonzaga at Sam Milby; “One Great Love” na pagbibidahan nina Kim Chiu at Dennis Trillo; “Otlum” ng Horshoe Productions, na pagbibidahan nina Ricci Rivero at Jerome Ponce; at “Rainbow’s Sunset” na pagbibidahan naman nina Gloria Romero, Eddie Garcia at Tony Mabesa.

Napili ang mga pelikula base sa mga sumusunod na criteria, 40% artistic excellence; 40% commercial appeal; 10% promotion of Filipino cultural and historical values at 10% global appeal.

Samantala, inanunsyo rin ng MMFF ang 16 semi-finalists mula sa record-high na 123 student short film submissions mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Binigyan ng P20,000 na seed grant ang mga estudyante para ma-prodyus ang pelikula. Mula sa mga ito ay pipili ng walong opisyal na short films finalists na iaanunsyo naman sa Nobyembre.

Napag-alaman naman kay MMFF Executive Director Rochelle Ona , sa taong ito ay magsisilbing host ng Parade of Stars sa Disyembre 23 ay ang lungsod ng Parañaque, kasabay ng 20th cityhood celebration ng lungsod.

Gaganapin naman sa The Solaire sa Parañaque sa Disyembre 27 ang awards night.

Matatandaan na nitong Hunyo ay nauna nang napili ang unang apat na pelikula batay sa isinumiteng script. Ang mga ito ay ang Horror-thriller “Aurora” na pagbibidahan ni Anne Curtis; Romantic-comedy “Girl in the Orange Dress” na pagbibidahan nina Jericho Rosales at Jessy Mendiola; Fantasy-comedy “Fantastica: The Princesses, The Prince and the Perya” na pagbibidahan nina Vice Ganda, Dingdong Dantes at Richard Gutierrez, at; Action-comedy “Jack Em Popoy ‘Da PulisCredibles”  na pagbibidahan nina Vic Sotto, Coco Martin at Maine Mendoza. (Jay Reyes)