8 hinihinalang miyembro ng ‘Warla’ kidnapping group tiklo sa CIDG

8 hinihinalang miyembro ng ‘Warla’ kidnapping group tiklo sa CIDG

October 4, 2022 @ 6:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Martes na walong hinihinalang miyembro ng “Warla” kidnapping group na pinapainan ang mga dayuhan ng “date” sa mga kababaihan ang naaresto.

“The kidnapping group composed of particularly transwomen and their partners or we call them as the Warla criminal group. They have gained notoriety for posing as beautiful women before kidnapping their targets as soon as they agreed to meet them on a date,” sabi ni CIDG chief Police Brigadier General Ronald Lee sa isang press conference.

Dagdag ni Lee, nambibiktima ang grupo ng mga dayuhan, partikular na ang Asian nationals, mula 2018. Ilan sa mga biktima ang POGO employees, habang ilan naman ay mga negosyante.

Isa sa mga biktima ng Warla kidnapping group ay kinilalang si Taiwanese national Michael Lee, na dinukot sa Parañaque noong Setyembre 3 at nasagip ng mga awtoridad noong Setyembre 7.

Batay sa CIDG, humingi ang mga suspek ng pera mula sa mga kaibigan ni Michael Lee kapalit ng kanyang kalaayan. Nakapagpadala ang mga kaibigan ng biktima ng P308,000 sa limang magkakaibang mobile wallet accounts.

Natunton ng mga pulis ang payment transactions at natimbog ang mga suspek, kung saan tatlo sa kanila- Dewie Shaine Collado Garcia, Charlemagne Olunan Vargas, at Christian Paredes – ang sumuko sa mga awtoridad.

Samantala, ang lima pang mga suspek- Jun Francis Pavillar Villa, Lawrenz Descartin Lingo, Jhonas Grimpula Belonio, Bernard Ty Torres, at Mark Joseph Dagame Pelonio – ay naaresto sa entrapment operations sa illegal weapons.

Binuo ang Warla kidnapping group noong 2018. Siyam sa mga natukoy na miyembro nito ang transgender women, base sa CIDG. Pinamumunuan ito ng isang Mikey Ebol o Mike Collado Ebol, batay sa pulisya.

Nag-ooperate anf Warla sa timog na parte ng Metro Manila.

Sinabi ng CIDG na 14 na ang nabiktima ng grupo at nakakolekta na ng P4.2 milyong ransom money.

Sinabi umano ng mga naarestong suspek na ginagamit ang pera para sa sex reassignment surgery nila sa Thailand.

Patuloy ang manhunt operations para mahuli si Ebol at iba pang Warla members na kinilalang sina Lexi Villanueva, Jaine Martinez, Hector Magallanes o “Yanyan”, Erwin Flores o “Marga”, at Mathew San Diego, ayon sa CIDG.

Mahaharap ang mga naarestong indibidwal sa reklamong kidnapping at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law. RNT/SA