8 medals sinagwan ng PH Rowing Team sa virtual tilt

8 medals sinagwan ng PH Rowing Team sa virtual tilt

January 17, 2022 @ 8:45 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Walong medalya ang sinagwan ng  national rowing team sa katatapos na 2022 Asian Rowing Virtual Indoor Championships.

Sa pangunguna ni 2020 Tokyo Olympian Cris Nievarez, anim na pilak at 2 bronze medals ang sinungkit ng Philippine Rowing Association (PRA)  kasama sina double silver medalist Kristine Paraon, Joachim de Jesus, Zuriel Sumintac, Alyssa Go, Christian Joseph Jasmin at Kharl Julianne Sha.

Sumegunda ang 21-anyos na 2019 Southeast Asian Games gold medalists sa men’s under-23 2000m category nang maorasan ng 1:36.4 para sa pilak at nakaginto si Wong Ho Yin ng Hong Kong sa oras na 1:34.9.

Nagkasya sa 3rd at 4th place ang Hong Kong rowers na sina Wong Wai Chun sa 1:37.0 at To Siu Po sa 1:37.8.

Naka-runner up finished si Paraon sa women’s under-23 500m na naorasan ng 1:46.1, habang kampeon si Piyamon Toemuk ng Thailand sa 1:41.0 at bronze  ang kababayang si Kwanrudee Koonthon sa 1:47.0.

Naka-silver uli si Paraon  sa women’s 2000m sa oras na 1:56.9. Naka-gold si Hung Wing van Winne ng Hong Kong sa 1:50.1, habang 3rd  si Piyamon Toemuk ng Thailand sa 1:58.0.

Kinapos si Sumintac sa men’s Lightweight 500m sa oras na 1:26.6 kontra kay Wong Chi Sing ng Hong Kong na nakuha ang 1:25.6, habang third si Mohammed Hatem ng Iraq sa 1:27.1.

Naka-silver medals sina De Jesus sa U23 men’s Lightweight 500m at Go sa women’s Lightweight 500m.JC