8 nabitag sa Malabon buy-bust, P211K shabu, nakumpiska

8 nabitag sa Malabon buy-bust, P211K shabu, nakumpiska

July 27, 2022 @ 1:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa walong hinihinalang drug personalities na naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-5:45 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa P. Avenue, Brgy., Tonsuya kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon ng P2,500 halaga ng shabu kay Jasper Paltao, 18, at Michael Cantillero, 47.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng isang small plastic sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba, kasama sina Adrian Ortega, 23, Artemio Artogue, 32, at Danver Lustan, 30, na nakuhanan din ng plastic sachets ng hinihinalang shabu.

Ani PMSg Randy Billedo, nakumpiska sa mga suspek ang 11 pirasong small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng abot 19 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P129,200 ang halaga, sling bag at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at dalawang P1,000 boodle money.

Dakong alas-11:50 naman ng gabi nang matimbog din ng kabilang team ng SDEU sa buy-bust operation sa    M. H Del Pilar corner Angelina St., Brgy., Maysilo sina Rommel Eugenio alyas “Joker”, 37, (pusher/listed), Rodelito Taculad alyas “Acoy”, 41, at Arvie Rico, 44.

Nakuha sa kanila ang pitong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 12.1 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P82,280 at P500 buy-bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura