8 nene, sanggol nasagip sa cybersex den

8 nene, sanggol nasagip sa cybersex den

July 14, 2022 @ 9:30 AM 4 weeks ago


CEBU CITY- Nasagip ng mga awtoridad ang walong dalagita kabilang ang apat na buwang sanggol sa isang cybersex den sa lungsod na ito.

Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ) sa hiling na Department of Social Welfare and Development (DSWD) nadakip ang isang ginang na itinago sa pangalang Dina, nasa hustong gulang, ng Barangay Luz, Cebu City.

Dakong alas-5 kahapon nang nadakip ang suspek ng pinagsamang pwersa ng Women and Children’s Protection Center (WCPC) Visayas Field Unit, Women and Children’s Protection Desk of the Cebu City Police Office, and Regional Cybercrime Unit-Central Visayas.

Ayon kay Maj. Nicole Lawrence Ibo, hepe ng WCPC-Visayas Field Unit, isinailalim nila sa surveillance ang suspek dahil sa dati na niyang illegal na aktibidades ang cyber pornography activities.

Naaktuhan ng mga operatiba ang mga batang babae na hubo’t hubad sa kamera at pawang mga dayuhan ang kanilang mga parokyano.

Naabutan rin nila ang isa pang dalagita na nagpapadede sa kanyang apat na buwang sanggol.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng DSWD ang mga biktima na may edad 17-anyos pababa.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act laban sa suspek. Mary Anne Sapico