8 parak na sangkot sa pagnanakaw sa Pampanga, sibakin – IAS

8 parak na sangkot sa pagnanakaw sa Pampanga, sibakin – IAS

April 8, 2022 @ 12:25 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pagsibak sa serbisyo ng walong pulis na inakusahan ng pagnanakaw sa pitong Chinese at isang Pinay sa Angeles City, Pampanga noong buwan ng Enero.

Sinabi ni IAS Director General Alfegar Triambulo na naisumite na niya ang rekomendasyon sa Directorate for Personnel and Records Management nitong Abril 4 para tanggalin ang walong pulis na mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Organized Crime Unit (CIDG-AOCU)

Kinilala ang mga suspek na sina Major Ferdinand Mendoza na tumatayong team leader kasama sina Staff Sergeants Mark Anthony Iral at Sanny Ric Alicante; Corporal Richmond Francia, John Gervic Fajardo, at Kenneth Rheiner Ferrer Delfin; Patrolman Leonardo Veloso Mangales at Hermogines Rosario Jr.

Ang mga nasabing mga pulis ay kapwa nahaharap sa kasong robbery in band, extortion, at illegal detention, bukod pa sa mga kasong administratibo para sa grave misconduct.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nagsagawa ng operasyon ang CIDG regional field unit (RFU) 3 matapos makatanggap ng ulat bandang 1:00 ng madaling araw noong Enero 26 tungkol sa nangyayaring pagnanakaw sa isang residential area sa Diamond Subdivision sa Barangay Balibago, Angeles City, na ginawa ng mga armadong lalaki na nakasuot ng sibilyan na nagpakilalang mga tauhan ng CIDG.

Pagdating ng mga rumespondeng pulis sa lugar, nakorner nila ang mga suspek na nagsasabing nagsasagawa sila ng buy-bust operation para sa illegal na mga baril.

“Sa takbo ng imbestigasyon, kalaunan ay napag-alaman na hawak ng mga suspek ang pitong lalaking Chinese national at isang Filipino house servant sa loob ng nasabing bahay. Napagmasdan din na ang lahat ng mga bagay sa loob ng nasabing premises ay nagkakagulo. Labindalawang computer na naka-set up na katulad ng operasyon ng POGO ang napansin sa sala,” base sa ulat ng RFU.

Sinabi rin nito na kalaunan ay napatunayang mali ang pahayag ng mga pulis na sila ay nagsasagawa  ng buy-bust operation  sa naturang lugar.

“Nang suriin ang kanilang mga sasakyan, nakita doon ang iba’t ibang gamit ng mga Chinese kabilang ang cash na humigit-kumulang PHP300,000 US dollar bills,” saad ni Triambulo

Sinabi pa ni Triambulo na walang maipakitang dokumento ang mga miyembro ng AOCU na ito ay lehitimong operasyon at hindi man lang alam ng CIDG ang pangyayari.

“Their purpose was really robbery kasi noong rumesponde ang mga operatiba ng Region 3, cellphone, alahas at cash ang nasa van nila na walang imbentaryo, tapos ang mga biktima ay nandoon sa ibang lugar sa bahay at pinagbabaril habang pumapasok ang mga operatiba para manghalughog ng pera. alahas, cell phone, etc. Tapos buy-bust ang depensa nila diumano nag-transact sila parang nagbebenta ng baril pero wala silang papel,” pahayag pa ni Triambulo

Nauna rito, sinabi ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos na sisiguraduhin niyang matatanggal sa trabaho ang mga sangkot na pulis, at idinagdag na ang anumang aksyon ng iligal na aktibidad ng sinumang pulis ay hindi nito kukunsintihin. Jan Sinocruz