8 patay, 100K apektado ng shear line – NDRRMC

8 patay, 100K apektado ng shear line – NDRRMC

December 27, 2022 @ 7:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Walo katao ang naiulat na nasawi habang tatlo naman ang nasaktan sa malakas na ulat at malawakang pagbaha dulot ng shear line sa apat na rehiyon sa bansa.

Ayon sa Situation Report No. 2 ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Lunes, Disyembre 26 ng alas-7 ng gabi, kabuuang 19 katao na ang iniulat na nawawala sa mga rehiyon ng Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao.

Umabot naman sa 27,133 na pamilya o 100,691 na indibidwal ang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan mula sa MIMAROPA at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

44,707 katao naman ang lumikas sa kanilang mga tirahan at kasalukuyan ay nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Apektado naman ng kawalan ng kuryente ang 36 lungsod at munisipalidad.

Ayon pa sa NDRRMC, umabot na sa estimated P61,879,614 ang halaga ng pinsala sa agrikultura at P5,750,000 naman sa livestock, poultry at fisheries.

Kung babalikan, noong bisperas ng Pasko pa nagsimula ang malalakas at tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao. RNT/JGC