8 patay 6 sugatan sa engkuwentro sa militar

8 patay 6 sugatan sa engkuwentro sa militar

June 23, 2022 @ 10:12 AM 6 days ago


MAGUINDANAO- Nauwi sa bakbakan ang ginagawang pagsilibi ng arrest warrant ng mga awtoridad matapos manlaban ang mga suspek na ikinasawi ng walong indibidwal, kabilang ang dalawang wanted person at ikinasugat ng anim, Miyerkules sa lalawigan.

Kinilala ang dalawa sa mga nasawi na sina Turkey Utto Latip, na may kasong wanted frustrated murder at Katindig Mustapha, na may kinahaharap namang kaso ng robbery with homicide.

Patuloy naman ginagamot sa ospital ang anim na sugatan kabilang isang pulis.

Ayon kay Police Brig. Gen. Arthur Cabalona, hepe ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) –PNP, dakong 4:00 AM naganap ang engkuwentro sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, Maguindanao.

Sinabi ni Cabalona, magsisilbi sana ng arrest warrant ang mga awtoridad laban kina Latip at Mustapha sa nasabing lugar.

Pagdating sa lugar ng tropa ng pamahalaan agad silang sinalubong ng mga putok ng baril ng mga suspek na armadong grupo.

Tumagal na halos isang oras ang palitan ng putok at ng makita ng grupo na duguan ang dalawa ay agad na nagkalasan ang mga ito patakas.

Narekober sa lugar ang 9 na pirasong iba’t ibang uri ng mahahabang armas, at 1 maigsi na baril kabilang ang 2 .50-caliber Barrett sniper rifles.

Dagdag pa ni Cabalona, inalaam na nila kung kaanib ang grupo nina Latip sa mga pagbabanta sa Maguindanao at may posibilidad na miyembro rin ang mga ito ng private armed group o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters./Mary Anne Sapico