8 patay sa acute gastroenteritis sa Antique

8 patay sa acute gastroenteritis sa Antique

November 17, 2022 @ 6:16 PM 3 weeks ago


ANTIQUE- Walong katao ang nasawi habang nasa 362 kaso ng acute gastroenteritis sa probinsyang ito ang naitala pagkatapos manalasa ng bagyong Paeng kamakailan.

Ayon kay Irene Dulduco, information officer ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), nagsimula ang kaso ng acute gastroenteritis noong Nobyembre 11, ilang linggo makalipas ang pananalasa ng bagyo sa naturang probinsya.

Paniniwala ng IPHO na maaaring naging kontaminado ang pinagkukunan ng tubig ng mga residenteng tinamaan ng gastroenteritis dahil sa nalubog sa baha ang mga tubo na pinagdadaanan ng suplay ng kanilang tubig.

Sa isinagawang pagsusuri sa water sampling, nagpositibo sa e.coli bacteria ang pinagkukunan ng tubig ng mga residente.

Base sa pag-imbestiga ng IPHO, ang mga nasawi ay nagmula sa bayan ng Hamtic at Valderrama na tig-tatlo katao ang naiulat na namatay habang sa bayan naman ng San Remigio ay nakapagtala na dalawa.

Kaugnay nito, inabisuhan muna ang mga residente na gumamit ng mineral water at iulat kaagad kung makaranas ng matinding pagsakit ng tiyan, pagtatae, at pagsusuka.

Nanawagan naman ng tulong ang mga residente na apektado ng acute gastroenteritis sa pamahalaan panlalawigan na mabigyan sila ng malinis na suplay ng tubig at gamot. Mary Anne Sapico