8 patay sa lumubog na barko sa Japan

8 patay sa lumubog na barko sa Japan

January 27, 2023 @ 11:33 AM 2 months ago


JAPAN – Patay ang walo katao kabilang ang anim na Chinese national sa lumubog na barko sa dagat na sakop ng Japan.

Ito ang ibinahagi ng isang Chinese diplomat at Japanese coast guard nitong Huwebes, Enero 26.

Sa impormasyon, nagpadala ng distress signal ang Jin Tian sakay ang mga crew mula China at Myanmar nitong Martes ng gabi sa lokasyon nito na 110 kilometro kanluran ng Danjo Island, southwestern Japan.

Gumamit naman ng satellite phone ang kapitan ng barko upang sabihin sa South Korean coast guard na aalis na ito at ang kanyang mga crew dahil lumulubog na ang sinasakyan ng mga ito.

Nakibahagi naman ang iba’t ibang barko at eroplano ng Japan coast guard para sa paghahanap sa mga ito, na kalaunan ay nakita ang 13 crew members.

Tumulong din ang tatlong pribadong barko sa lugar para sagipin ang lima pang stranded crew members.

Sinabi naman ng China consul general sa Fukuoka na si Lu Guijun, na sa 13 crew members na natagpuan, walo sa mga ito ang kumpirmadong nasawi.

“Five of them — including four Chinese crew members — are not in life-threatening conditions,” dagdag ni Guijun.

“We express our deepest condolences to the unfortunate victims.”

Kinumpirma rin ng Japanese coast guard na kasama ng 6 na Chinese crew member na nasawi, dalawa naman ang mula sa Myanmar.

Mayroon pang 9 katao ang patuloy na pinaghahanap, apat mula sa China at lima mula sa Myanmar.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga opisyal mula sa local Chinese mission sa pamamagitan ng pagdadala ng bulaklak.

Binisita rin ng mga ito ang mga survivors na sinabing tutulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasuotan, pagkain at inumin.

Ang 6,651-ton Jin Tian ay nakarehistro sa Hong Kong.

Matatandaan na noong 2020, isang cargo ship din na may sakay na 43 crew at 6,000 baka ang lumubog sa dagat na sakop ng southwestern Japan dahil naman sa bagyo. RNT/JGC