8 patay sa robbery hold-up

8 patay sa robbery hold-up

November 24, 2022 @ 12:08 PM 1 week ago


NORTH COTABATO- PATAY ang walong katao kabilang isang pulis, kustomer at 6 na suspek sa naganap na robbery-hold-up sa bakery sa bayan ng M’lang ng nasabing probinsya.

Kinilala ni Lieutenant Colonel Realan Mamon, hepe ng M’lang Police Station, ang namatay na pulis na si Police Staff Sgt. Rudy Amihan habang sugatan ang kasamahan nitong si si Cpl. Noli Labesores.

Inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng namatay na kustomer at 6 na holdaper.

Batay sa report ng M’lang-PNP, naganap ang krimen sa loob ng Regz and Kirks bakeshop na matatagpuan sa Barangay Bagontapay, M’lang, North Cotabato.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kita sa kuha ng CCTV ang pagpasok ng mga walong suspek na nakasuot ng bonnet at armado ng baril.

Dito, nagdeklara ng holdap ang mga suspek kung saan ang tatlo ay nasa kahera at nilimas ang benta habang ang mga ibang suspek ay pinayuko ang mga kustomer at pinagkukuha ang kanilang pera at cellphone.

Subalit isa sa mga kustomer ay nanlaban kaya nabaril ito ng mga suspek saka mabilis na nagsitakas.

Agad naman natanggap ng mga awtoridad ang pangyayari kaya mabilis silang rumesponde sa naturang lugar at naabutan pa ang mga suspek na patakas.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek kasama si Amihan at Labesores subalit pinaputukan sila ng mga suspek na nauwi sa engkwentro at tumagal na ilang minuto ang putukan.

Tinamaan si Amihan sa katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang 6 naman sa mga suspek ang nasawi.

Patuloy naman ang ginawang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawang pang suspek na nakatakas./Mary Anne Sapico