8 Pinoy arestado sa Myanmar sa immigration violation

8 Pinoy arestado sa Myanmar sa immigration violation

February 2, 2023 @ 9:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hindi bababa sa walong Pilipino ang naaresto sa Myanmar sa border sa Thailand matapos lumabag sa foreign immigration-related laws, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules.

Kabilang sa naaresto ng Burmese police si Kiela Samson, na nanawagan ang mga magulang sa pamahalaan na sagipin ang kanilang anak matapos hindi ito ma-contact kasunod ng pagkakaaresto ng Myawaddy town police.

Ito ay kasunod ng pagsakay ni Samson sa bangka sa Mae Sot, Thailand bago tumawid sa Myanmar, ayon sa kanyang pamilya.

“Coordination and representations are continuing for eight Filipinos confirmed in the custody of the Myanmar police in Myawaddy for immigration violations,” pahayag ni Ma. Teresita Daza, DFA spokesperson, nitong Miyerkules.

Sa kasalukuyan, tanging Thai at Burmese nationals lamang ang maaaring tumawid sa kani-kaniyang bansa sa Mae Sot border tatlong taon matapos itong muling buksan. Subalit, maaari lamng itong isagawa sa friendship bridge.

Iligal para sa mga dayuhan na lumipat sa isang bansa papunta sa iba sa pamamagitan ng Moei River. Ang legal entry points sa Myanmar mula Thailand ay sa Yangon, Mandalay at Nay Pyi Taw airports lamang.

Ayon kay Daza, patuloy ang koordinasyon ng Philippine Embassy sa Yangon sa mga awtoridad hindi lamang sa Myawaddy, maging sa Nay Pyi Taw “to secure the safety and well-being of the said Filipinos and assist them in returning home the soonest time possible.”

“Myanmar authorities have assured cooperation in this regard,” dagdag niya.

Kamakailan, inasistihan ng DFA ang pagpapauwi sa ilang Pilipino na napag-alamang nagtatrabaho bilang crypto-scammers sa Cambodia at Myanmar. RNT/SA