8 sa 10 batang Pinoy, hindi nakaiinom ng sapat na tubig

8 sa 10 batang Pinoy, hindi nakaiinom ng sapat na tubig

May 17, 2019 @ 3:37 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Gaano ka nakatitiyak na ang iyong anak ay nakaiinom ng sapat na tubig?

Sinasabi kasi sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na walo sa kada 10 batang Pinoy ang nakararanas ng dehydration.

Ayon kay Czarina Martinez, science research specialist II sa FNRI Technology Diffusion and S&T Services Division, 83% sa mga batang Pinoy ang hindi umiinom ng sapat na tubig upang panatilihin silang hydrated at malusog.

Nakababahala aniya ang mataas na bilang ng dehydration sa mga batang Pinoy gayong importante ito sa paglaki ng mga bata.

Noong Miyerkules, ika-15 ng Mayo, inilunsad ng DOST-FNRI ang #UHAWAreYou? Sa pakikipagtulungan sa juice manufacturer Tang upang palawakin ang hydration awareness.

“Misconceptions are the major barriers to proper hydration, especially in countries such as the Philippines,” sabi ni Dr. Rodolfo Florentino, chairman ng Nutrition Foundation of the Philippines.

Ayon kay Florentino, kahit 2% lang ang nararanasang dehydration, ito ay nagdudulot pa rin ng negatibong epekto sa performance ng mga bata.

Kabilang sa mga sintomas ng dehydration ay tuyong labi at dark-color na ihi.

At kung mapapadalas ang dehydration, sinabi ni Florentino na ang dehydration ay makapagbabagal sa physical at mental performance ng isang tao.

Ang chronic dehydration din aniya ay nakapagtataas ng tiyansang pagkakaroon ng kidney stones, urinary tract infection, hypertension at stroke./Remate News Team