8 sugatan sa araro ng auto

8 sugatan sa araro ng auto

January 5, 2023 @ 4:08 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sugatan ang walong indibidwal matapos na araruhin ng isang isang multi-purpose vehicle (MPV) na aminadong nakainom ang nagmamaneho ang apat na sasakyan bago sumalpok nang tuluyan sa isang drugstore sa Caloocan City.

Ayon sa pulisya, ang mga biktima ay mga nagmamaneho at angkas ng apat na nabanggang motorsiklo ng Toyota Innova na minamaneho ng suspek na si Bryan Tan, 29, ng Meycauayan, Bulacan.

Kinilala ang mga biktima na sina Rogelio Desiderio, 37, ng Lot 4, Block 39, Grand Cypress Homes, San Jose Del Monte, Bulacan; Charmaine Ann Lagunda, 35 ng Block 40, Lot 819, Villa Angelica Subdivision, Brgy. 172 Caloocan City; Jerry Mayor, 31, ng Block 3, Lot 8, Mount Apo St., Dolmar 2, Brgy 168, Caloocan; Rose Marie Mayor, 53, ng parehong adres; Anne Marjorie Sanchez, 33, ng Block 1, Lot 2, Phase, 3 Yakal, St. Zuniga Homes, Llano, Brgy 167, Caloocan; Noella Rhose Maniego, 27, ng Block 1, Lot 87, Carnation St., Palmera 1, Brgy. 175, Caloocan; Jericson Senias, 33, ng Petchayan St., Brgy 177, Caloocan; Lemuel Francisco, nasa hustong gulang at; isang lalaking ‘di pa kilala.

Nagmamaneho umano ang suspek sa Camarin Road, Barangay 174, ng lungsod bandang alas-9 ng gabi nitong Miyerkules, Enero 4 at pagsapit sa Bellefonte Subdivision, bumangga ang Toyota Innova sa isang Mitsubishi Adventure.

Sa halip na huminto, nagpatuloy umano sa pag-andar ang sasakyang minamaneho ni Tan at bumangga sa apat na motorsiklo ng ng mga biktima sa tapat ng Caloocan City Medical Center-North bago tuluyang sumalpok sa Genwin Pharmacy.

Itinakbo ang mga biktima sa iba’t ibang ospital para magamot habang nasira din ang mga sasakyan at isa sa mga motorsiklo ay nahati sa dalawa.

Nakumpirmang nakainom ng alak ang suspek nang suriin sa Caloocan City Medical Center-South kaya’t ipiniit at haharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Injuries and Damage to Properties at Driving While Under the Influence of Liquor or Narcotic Drugs. Merly Iral