8 toneladang relief goods nakalap ng PCG

8 toneladang relief goods nakalap ng PCG

November 2, 2022 @ 5:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakakalap na ng higit sa walong toneladang donasyon mula sa donation drive ng pamahalaan ang Philippine Coast Guard (PCG).

Kasama na rito ang nasa 3,600 family packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hinatid na nitong Martes, Nobyembre 1 ng barko ng PCG, ang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) mula Maynila papuntang Iloilo.

Kasabay nito, ang BRP Romblon (SARV-3503) na may sakay namang 50 sako ng tig-50 kilo ng bigas.

Ayon sa PCG, tatanggapin ito ng DSWD Region VI para sa agarang pamamahagi sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Paeng sa rehiyon.

Ang naturang mga donasyon o relief supplies na natanggap ng PCG sa pamagitan ng itinatag na PCG Task Force Kalinga noong Oktubre 3, ay mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at organisasyon.

Ipapamahagi ito sa mga residente at kumunidad na nasalanta ng nagdaang kalamidad gamit ang mga barko, air asset, at land vehicle ng PCG tungo sa agarang pagbangon ng bansa sa apekto ng nagdaang kalamidad.

Nanawagan ang PCG sa mga nais magpaabot ng tulong o donasyon na makipag-ugnayan sa Task Force Kalingan at PCG Civil Relations Service sa mga sumusunod na contact details: E-mail: cgcrs2022@gmail.com.ph;
Facebook: Coast Guard Civil Relations Service; at Mobile: 0977-496-6811 / 0977-496-6810. Jocelyn Tabangcura-Domenden