80 sentinaryong Bulakenyo, inalala, pinangaralan

80 sentinaryong Bulakenyo, inalala, pinangaralan

October 12, 2022 @ 7:53 PM 2 months ago


Malolos, Bulacan – Nasa 80 sentinaryong Bulakenyo ang tumanggap ng mga pagkilala, insentibo, at bag ng groceries mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office.

Nalamang idinaos ang parangal sa pamamagitan ng Zoom teleconferencing noong Huwebes, Oktubre 6, 2022 kasabay ng pagdiriwang ng Filipino Elderly Week.

Sa temang “Older Persons: Resilience in Nation-Building (Katatagan ng Nakatatanda, Magtataguyod ng Kaunlaran), ipinaliwanag ni PSWDO Head, Rowena J. Tiongson na alinsunod sa Panlalawigang Kautusan Blg. 55-2018; Section 3, magkakaloob ang Pamahalaang Panlalawigan ng insentibong P10,000 at plake ng pagkilala sa mga sentinaryong Bulakenyo tuwing magdiriwang ng National Elderly Week.

Sinabi rin ni Tiongson na nagsasagawa sila ng mga biglaang pagbisita sa mga sentinaryong Bulakenyo upang masiguro na sila ay naaalagaang mabuti ng kanilang mga kaanak at upang tiyakin na naibibigay ang kanilang mga pangangailangan lalo na sa kalusugan.

Ibinahagi naman ni Commissioner Reymar R. Mansilungan ng National Commission of Senior Citizens, panauhing pandangal, ang mga kinakaharap na suliranin ng mga senior citizen at humingi ng tulong mula sa mga local senior citizen officer na maitala ang record ng kanilang mga miyembro.

“Sa tulong po ninyo, sana makuha natin ang data ng mga senior citizen, pati ang kanilang health condition pati ang record ng kanilang mga trabaho. Para alam ng pamahalaan kung sino ang agad na kinakailangang tulungan,” ani Mansilungan.

Samantala, binati naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga sentinaryong Bulakenyo at senior citizens sa kanilang pagiging matatag sa kabila ng lahat ng pagsubok na naranasan ng lalawigan at nangakong palagi silang susuportahan.

“Congratulations po sa ating mga centenarian. Mapapalad po kayo. Ang inyo pong lingkod ay nakasuporta po sa inyo, kasama ang ating PSWDO Head Rowena J. Tiongson. Patuloy po kayong susuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan,” anang gobernador.

Kabilang sa mga dumalo sa programa sina Commissioner Rainier Cruz ng NCSC at mga opisyal mula Office of Senior Citizens Affairs at Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines-Bulacan Chapter.

Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 470, idineklara ang unang linggo ng Oktubre bilang “Linggo ng Katandaang Pilipino” (Elderly Filipino Week Celebration) na nilagdaan ni dating Presidente Fidel V. Ramos noong September 26, 1994. Dick Mirasol III