8,004 bagong kaso ng COVID naitala mula Nob. 14 hanggang 20

8,004 bagong kaso ng COVID naitala mula Nob. 14 hanggang 20

November 21, 2022 @ 6:38 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iniulat ngayon ng Department of Health (DOH) na umabot sa 8,004 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala mula Nobyembre 14 hanggang 20.

Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 1,143.

Ito ay mas mababa ng 12% kung ikukumpara sa mga kaso noong Nobyembre 7 hanggang Nobyembre 13.

Dalawa naman sa mga bagong kaso ang may malubha at kritikal na karamdaman.

May naitala ring 93 na pumanaw kung saan 28 ay naganap noong Nobyembre 7 hanggang Nobyembre 20.

Ayon pa sa DOH, mayroong 568 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19 hanggang nitong Nobyembre 20.

Sa 2,358 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 493 (20.9%) ang okupado.

Samantala, 4,796 (23.1%) ng 20,754 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Higit sa 73 milyong indibidwal o 94.38% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 20 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Nasa 6.9 milyong senior citizens o 79.46% ng target A2 population ang nakatanggap na rin ng kanilang primary series ng bakuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden