800K kakalusin sa 4Ps list sa halip na 1.3M

800K kakalusin sa 4Ps list sa halip na 1.3M

January 14, 2023 @ 5:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Binawasan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bilang ng benepisyaryong aalisin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa halos 800,000 mula sa inisyal na 1.3 milyon.

Sa Saturday News Forum sa Dapo Restobar sa Quezon City, sinabi ni DSWD officer-in-charge Undersecretary Edu Punay na muling sinuri ang inisyal na 1.3 milyong benepisyaryo dahil “outdated” umano ang bilang at hindi isinaalang-alang ang epekto ng COVID-19 pandemic.

“[O]ut of the 1.3 million, may 500,000 pa po na na-determine or na-tag as poor, still eligible sa 4Ps,” sabi ni Punay.

“So, all in all, matatanggal natin ay from 1.3 milion… is 800,000. So 800,000 ‘yung expected natin na maalis sa listahan this year,” dagdag niya.

Inihayag din ng DSWD official na ang mga ga-gradute mula sa 4Ps ay mapapasama sa Sustainable Livelihood Program (SLP) na magbibigay ng P15,000 livelihood assistance para makapagsimula ng negosyo.

Itinatag ang 4Ps sa ilalim ang Republic Act No. 11310 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.

Target ng programa ang 4.4 milyong benepisyaryo kada taon. RNT/SA