800K OFWs napauwi ngayong pandemya- DOLE

800K OFWs napauwi ngayong pandemya- DOLE

November 28, 2021 @ 2:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na lumampas na sa 800,000 ang bilang ng mga overseas Filipino workers ang nakauwi at nakasama na ng kanilang pamilya  mula nang nagsimula ang pandemya dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Base sa tala ng  Overseas Workers Welfare Administration, sinabi ng kalihim na sa kabuuan ay 809,374 OFWs na ang naibiyahe pabalik sa kanilang mga rehiyon hanggang ngayong araw, matapos sumailalim sa  quarantine protocols na ipinapatupad ng gobyerno.

Karamihan sa mga nakabalik ay binubuo ng mga manggagawang apektado ng pandemya at mga displaced OFWs dahil sa mga lockdown na nakapipinsala sa ekonomiya ng mundo. Ang pandemya ay nagdulot  ng higit sa 125 milyong manggagawa na walang trabaho sa buong mundo, ayon sa International Labor Organization.

“Many of our OFWs became helpless when the pandemic struck and so the government launched a massive repatriation drive never done before,” anang kalihim.

Sinabi ni Bello  na sa pagitan ng Nobyembre 15 hanggang Disyembre 12 ng 2020 ay nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga OFW na pinauwi sa mga rehiyon. Umabot sila sa 56,925 migranteng manggagawa.

“This year, the highest was for the period October 17 to November 13 with 45,703 OFWs returning to their own families,” ayon pa kay Bello na ang pinakamababa ay noong Nobyembre 25 ngayong taon, na mayroon lamang  1,622 migrant workers.

Sinabi ni Bello na patuloy ang programa ng gobyerno na pagpapauwi sa mga OFW.

“As long as we have migrant workers who want to go home but can’t do so because of difficulties due to the pandemic, we will continue the repatriation program,” anang kalihim. Jocelyn Tabangcura-Domenden