814 pang kaso ng Omicron sub-variants natuklasan sa Pinas!

814 pang kaso ng Omicron sub-variants natuklasan sa Pinas!

September 20, 2022 @ 3:36 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatuklas pa ang Pilipinas ng 814 karagdagang kaso ng omicron COVID-19 variant sa pinakahuling sequencing run na isinagawa noong Sept.16-19 sinabi ng Department of Health o DOH.

Sa naturang bilang, 688 bagong kaso ng omicron BA.5 ang natuklasan, 16 pang kaso ng BA.4 at 110 na na-tag bilang “other sublineages”.

Sa mga bagong kaso ng BA.5, marami ang natagpuan sa Metro Manila (126), Western Visayas (104), at Cagayan Valley (75).

Karamihan naman sa mga bagong kaso ng BA.4 ay naitala sa Soccsksargen na mayroong 12 kaso.

Habang ang mga nakaraang “variant of concern” tulad ng Alpha at Delta ay tuluyang nawala, ang omicron at ang mga sublineage nito ay nangibabaw sa buong 2022.

Ang mga uri ng BA.4 at BA.5 ay partikular na nagdala ng pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit sa Europa at Estados Unidos sa mga nakaraang buwan.

Noong nakaraang linggo, nakapagtala ang Pilipinas ng 14,707 bagong kaso ng COVID-19, ayon sa DOH.

Mula Setyembre 12 hanggang 18, nakapagtala ang bansa ng average na 2,101 araw-araw na impeksyon, na mas mababa ng 4 na porsyento kumpara sa nakaraang linggo.

Sa 3,923,727 kabuuang coronavirus infections na naitala sa Pilipinas noong Lunes, 27,686 ang active cases, ayon sa datos ng DOH.

Na-verify din ng DOH ang 248 pang COVID-related fatalities. Ang bilang ng mga namatay ay umabot sa 62,587 noong Lunes. Jocelyn Tabangcura-Domenden